RICHARD GOMEZ, MARIING ITINANGGI ANG PAGKADAWIT SA ESPINOSA DRUG TRADE


Itinanggi ng actor-turned-politician na si Ormoc City Mayor Richard Gomez ang pagdadawit sa kaniya bilang protektor umano ng mga "Espinosa," na isinasangkot sa kalakaran ng iligal na droga sa Eastern Visayas.
“That is ridiculous and outright laughable,” tugon umano ni Richard nang hingan ng reaksyon ng ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa lumabas na ulat na sangkot siya sa "Espinosa drug group."

Sa text message, sinabi umano ng aktor na, “I will not dignify that with an answer. Huwag nila akong isama sa circus nila.”

Una rito, inihayag ni Chief Inspector Leo Laraga ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 8, sa pagdinig ng Senado nitong Huwebes, na ilang politiko na nagbibigay ng proteksyon umano sa illegal drug trade ng mag-amang Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa at anak nitong si Kerwin.

Si Mayor Espinosa ay napatay ng grupo ni Laraga sa loob ng Baybay City Jail noong November 5 nang isisilbi ang search warrant.

Ang naturang insidente ang pakay ng joint investigation ng Senate committees on Public Order and Dangerous Drugs at Justice and Human Rights dahil sa hinala na sadyang pinatay ang alkalde.

Ayon kay Laraga, nabanggit umano ni Espinosa noong nabubuhay pa ang mga personalidad na nagbibigay ng proteksyon sa operasyon ng kaniyang anak na si Kerwin, na nadakip kamakailan sa Abu Dhabi.

“Nabanggit na rin ito ni late Mayor Espinosa regarding doon sa mga pulitiko na involved and at the same time, yung mga nasa PNP [Philippine National Police], anang opisyal.


Sa hiwalay na ulat ng PEP.ph nitong Huwebes, sinabing itinanggi rin ng misis ni Richard na si Leyte 4th District Rep. Lucy Torres-Gomez, ang alegasyon laban sa kaniyang mister at sa kapatid na si Matthew, na isang board member sa lalawigan.

“Offensive, baseless, and untrue,” saad umano sa text message sa PEP ni Lucy, na kasalukuyan umanong nasa London.